
NAPATAY ng isang babaeng pulis ang kanyang asawang pulis rin nitong Martes sa kanilang tahanan sa Angeles City, Pampanga.
Base sa ulat ni Angeles City acting police director Col. Joselito Villarosa kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jean Fajardo natukoy ang biktima ay si PCMS Jayson Mariano, nakatalaga sa Angeles City Police Station.
Namatay si Mariano dahil sa tama ng bala sa ulo.
Ang suspek na asawa ni Mariano ay isa ring pulis, nakatalaga sa Regional Field Unit 3 (RFU 3).
Naganap ang pamamaslang sa bahay ng mga Mariano sa Bgy. Cuayan, Angeles City.
Sa imbestigasyon , nakaparada ang motorsiklo ng biktima sa garahe ng kanyang bahay nang umalingawngaw ang isang putok ng baril.
Agad namang lumabas ang isang kapitbahay na nakarinig ng putok at nakita ang biktima na nakahandusay at duguan habang nasa tabi ng biktima ang baril na ginamit sa pagpatay.
Nang bumalik ang kapitbahay sa kanyang bahay para kunin ang kanyang cellphone at tumawag ng pulis nang paglabas niya ay nakita nito ang asawang pulis ni Mariano na kinukuha ang baril.
Agad namang pinuntahan ni PSMS Zenaida Maraña, Station Executive Senior Police Officer (SESPO) ng Police Station 5 ang biktima na kapitbahay din ng mga Mariano at narekober sa suspek ang baril na ginamit sa pamamaril.
Inaresto ng mga rumespondeng awtoridad ang asawa ni Mariano habang itinurn-over ang nasamsam na baril.
Agad na dinala si Mariano ng mga tauhan ng Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office (ACDRRMO) sa PRI Hospital, kung saan idineklara itong dead on arrival.
Nagsagawa ng beripikasyon ang pulisya at nalaman na ang nakumpiskang baril ay ang inisyu na service firearm ng suspek.
Ang asawang pulis ng biktima ay nasa kustodiya na ng Angeles City Police Office na nahaharap sa kasong parricide.
Patuloy ang imbestigasyon sa motibo ng pagpatay.