February 25, 2024

Sana maulit muli’ movie nina Aga, Lea libreng mapapanood sa met starting feb.20

Ni Beth Gelena

NAGSANIB-PWERSA ang Sagip Pelikula ng ABS-CBN Film Restoration at ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) para mai-restore ang ilang klasikong mga pelikula at ito ay mapapanood nang libre sa Mga Hiyas ng Sineng Pilipino sa Manila Metropolitan Theater (MET) simula sa Linggo,  Pebrero 20.

Ang mga  katangi-tanging pelikulang Pilipino ay “sinagip at pinaganda” upang muling  mapanood sa susunod pang panahon.

Kabilang sa mga ipalalabas ay  ang award-winning 1995 romantic-drama hit ng Star Cinema na “Sana Maulit Muli” na pinagbibidahan nina Aga Mulach at Lea Salonga.

Tumabo sa takilya ang movie na talaga naman ikinakilig ng kanilang mga tagahanga nu’ng time ng kanilang kasikatan.

May ambag din ang FDCP at ang Philippine Film Archive (PFA) ng ilang digitally-restored na obra  tulad ng “Dalagang Ilocana” (1954) na pinagbidahan nina Gloria Romero, Dolphy, Ric Rodrigo, at Tita de Villa sa direksyon ni Olive La Torre; at “Pagdating sa Dulo” (1971) na dinirehe ng Pambansang Alagad ng Sining na si Ishmael Bernal tampok sina Rita Gomez, Eddie Garcia, Vic Vargas, Rosemarie Gil, Ronaldo Valdez, at iba pa.

Mapapanood nang libre sa darating na Linggo ang “Dalagang Ilocana” — 10 a.m., “Pagdating sa Dulo” — 1:30 p.m. at “Sana Maulit Muli” — 3 p.m.

Para makakuha ng libreng ticket kada pelikula, magparehistro online sa bit.ly/DLsaMET para sa “Dalagang Ilocana,” bit.ly/PSDsaMET para sa “Pagdating sa Dulo,” at bit.ly/SMMsaMET para sa “Sana Maulit Muli.”

Paalala rin sa mga manonood na sundin ang health and safety protocols sa loob ng MET.

Ipinagdiwang ng ABS-CBN Film Restoration ang ika-10 taon nito ng pagsagip sa mga natatanging pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng proyekto nilang Sagip Pelikula.

Tumanggap na ng ilang award ang Sagip Pelikula tulad ng Gold Quill award mula sa International Association of Business Communicators (IABC), Gawad Pedro Bucaneg mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), at kamakailan lang din ang Gawad PASADO mula sa katatapos lang na 23rd Gawad PASADO ng Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO).

Para sa updates tungkol sa ABS-CBN Film Restoration at sa Sagip Pelikula, i-follow sila sa Facebook (fb.com/filmrestorationabscbn), Twitter (@ABS_Restoration), at Instagram (@abscbnfilmrestoration).