INATASAN ni incoming Senator Erwin Tulfo ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at lokal na pamahalaan ng Doña Remedios Trinidad (DRT), Bulacan na agad tanggalin ang lahat ng iligal na gate, bakod, at barikada na umano’y itinayo ng isang pribadong indibidwal na kinilalang “JJ Javier” sa mga timber land sa Barangay Kalawakan.
Nitong Martes, ipinatawag ni Tulfo ang DENR Region III para sabihin ang direktiba na inayunan at tinalima naman ng mga opisyales, sa pangunguna ni Regional Executive Director Engr. Ralph Pablo.
Ang nasabing utos ni Tulfo ay bunga ng kanyang personal na inspeksyon sa DRT timber lands kasama sila Mayor Ronaldo Flores at mga kinatawan ng DENR Community Environment and Natural Resources Office – Baliwag.Dito, nasaksihan niya kung gaano ginagambala ng mga harang ni Javier ang pamumuhay ng mga residente sa lugar.
“Hindi ito katanggap-tanggap. Ang mga iligal na gate at barikadang ito ay humaharang sa daan at sa hanapbuhay ng mga tao.
Personal kong tututukan ito upang masigurong maresolba agad. Sa pakikipagtulungan sa DENR, LGU, at pulisya, sisiguraduhin kong magigiba ang mga ito bago mag Hunyo 30,” pahayag ni Tulfo.

Pagdidiin pa ni Tulfo, ang mga sangkot na lupain ay mga forest lands at hindi dapat ito ginagawang pansariling lupain ng kahit na sinoman.
Nitong Mayo, dumulog kay Tulfo ang mga miyembro ng Aniban ng mga Magsasaka, Mangingisda, at Manggagawa sa Agrikultura (AMMMA), DRT Bulacan Chapter para ireklamo si JJ Javier na di umano’y nasa likod ng mga iligal na harang at inaakusahang gumagamit ng pananakot, karahasan, at pagbabanta upang mangamkam ng timber lands sa Brgy. Kalawakan.
“Walang sinuman ang dapat manakot o manggipit para agawin ang mga lupain ng taumbayan. Hindi ako natatakot—mapa-makapangyarihan man o hindi. Sisiguraduhin kong mapaalis ang mga iligal na okupante sa ating mga kagubatan,” giit ni Tulfo.
Binigyang-diin din ng incoming Senator ang pangangailangan ng mabilis at magkakaugnay na aksyon mula sa DENR, LGU ng DRT, at Philippine National Police upang tuluyang masolusyunan ang isyu.
“Bilang mambabatas, gagamitin ko ang aking oversight powers upang matiyak na naipatutupad ang mga batas na nagpoprotekta sa mga pampublikong lupa,” dagdag ni Tulfo .
“Ang pinaka una ko pong gagawin bilang Senador ay protektahan ang kagubatan at sisiguraduhin kong nasa maayos na sitwasyon ang ating mga lokal na magsasaka.” pagtatapos niya.
