IGINIIT ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Lunes na dapat ayusin ng Senado ang aniya’y malinaw na paglabag sa kanilang sariling rules kaugnay ng paghawak ng mga detained witnesses sa imbestigasyon sa flood control projects.
Ito’y matapos sabihin ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na batay sa Senate rules, hindi lang ang komiteng kinauukulan kundi pati ang Senate President ang may kapangyarihang mag-utos ng paglilipat ng testigo.
Nagsimula ang isyu matapos humiling sa Kamara si dating Bulacan DPWH Engineer Brice Hernandez na huwag siyang ibalik sa Senado matapos tumestigo noong September 9. Dinala siya sa PNP Custodial Center pero inilipat sa Pasay City Jail sa bisa ng mosyon ng Senate plenary. Nitong Lunes, September 15, ibinalik siya sa Senado.
Hindi sumang-ayon si Cayetano sa interpretasyon ni Sotto, at binanggit ang Article 6, Section 6, sub-paragraph C ng Rules of the Senate Blue Ribbon Committee. Iginiit niya na ang mga utos ng detensyon ay dapat pangasiwaan ng Blue Ribbon Committee lamang, o kaya’y may kasabay na pagsang-ayon ng Senate President.
“Ang nakalagay ‘with concurrence of the Senate President,’ hindi nakalagay ‘or the Senate President,'” paliwanag niya.
Binigyang diin pa ng senador na plenaryo lamang ang may kapangyarihang magbago o mag-alis ng ganitong order.
“Na-violate po rules natin because it was not the committee alone… when the plenary decided to put him [Hernandez] in Pasay City Jail, ang makakalift po niyan hindi po committee nor the Senate President, it’s the plenary,” ayon kay Cayetano.
Pinaalala rin niya sa mga kasamahan na lahat ng senador ay pantay-pantay.
“Even the Senate President said ‘primus inter pares,’ ‘first among equals.’ Equal tayong lahat sa Senate,” sabi niya.
Nilinaw ni Cayetano na hindi personal na pag-atake laban kay Sotto ang kanyang pahayag, ngunit giniit din ng senador na hindi maaaring balewalain ng Senado ang sarili nitong mga alituntunin.
“Trabaho natin to find reality para mabago y’ung perception ng tao. Pero kailangan sundin natin ang batas–let’s get to the bottom of it but let’s follow the law,” wika ng senador.
