LIMANG katao ang namatay habang 23 iba pa ang nasugatan nang mahulog ang isang pampasaherong bus noong Biyernes sa bangin sa Del Gallego, Camarines Sur.
Batay sa mga inisyal na ulat, naganap ang insidente bandang 3:25 ng umaga noong Biyernes sa Rolando Andaya Highway sa Bgy. Magais I, bayan ng Del Gallego.
Isang bus ng DLTB na may plakang UYA 479 ang umalis sa istasyon ng Cubao at patungong Gubat, Sorsogon nang bigla itong mahulog sa bangin na may taas na humigit-kumulang 10 metro.
Limang pasahero ang namatay, kabilang ang isang 60-taong-gulang na babae, habang 23 iba pa, kabilang ang drayber at isang karelyebong drayber, ang malubhang nasugatan.
Ang mga sugatang pasahero at drayber ay dinala naman sa isang ospital sa Tagkawayan, Quezon para sa gamutin.
Samantala, iniutos ng chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na si attorney Vigor Mendoza II ang agarang imbestigasyon sa trahedya.
Nagbabala siya na papanagutin ang mga dapat managot sa nakamamatay na pagbagsak.
Sinabi ni Mendoza na maglalabas sila ng show cause order (SCO) sa kompanya ng bus upang matiyak na makukuha ng imbestigasyon ang lahat ng mga pangyayari.
“Nakatanggap na kami ng kopya ng ulat ng pulisya at nabanggit doon na nakatulog ang drayber, at ito ang humantong sa aksidente sa kalsada,” sabi ng hepe ng LTFRB.
Nakatakdang magkaroon ng pagdinig na ayon kay Mendoza, ay susuriin pa kung nasunod ang wastong protokol at mental at pisikal na kahandaan ng mga itinalagang drayber.
Nauna rito, inutusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Transportation Secretary Giovanni Lopez na maging mahigpit laban sa mga lumalabag sa mga regulasyon sa kaligtasan sa kalsada.
Natuklasan sa inisyal na beripikasyon na ang bus ay nakarehistro sa ilalim ng Del Motor Works Inc. at sakop ng Certificate of Public Conveyance na ipinagkaloob noong 2022 at nakatakdang mag-expire sa Marso ng susunod na taon.
“Aalamin namin ang tunay na dahilan ng kasong ito at papanagutin ang mga dapat managot,”ayon pa rito.
Nauna nang inatasan ni Mendoza ang lahat ng kompanya ng bus na tiyakin ang road worthiness ng kanilang mga sasakyan at ang kahandaan ng kanilang mga drayber para sa pagdagsa ng mga pasahero sa gitna ng Pasko at Bagong Taon.
