NASAWI ang isang chairman ng Sangguniang Kabataan habang dalawa pa ang sugatan sa pananambang ng armadong riding-in-tandem noong Sabado sa Cotabato City.
Kinilala ni Cotabato City police director Col. Jibin Bongcayao ang nasawi na si Prince Mohaz Matanog, ang SK chairperson ng Bgy. Poblacion 5, at residente ng Cotabato City.
Nasugatan ang kapatid ni Matanog na si Muamar at isang rumespondeng pulis.
Ayon sa mga nakasaksi sakay ng kotseng Toyota Raze ang magkapatid na Matanog nang makarating sa Sinsuat Avenue corner Jose Lim St. malapit sa city plaza nang biglang sumulpot ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo at paulit-ulit silang pinagbabaril pasado alas-10 ng umaga noong Sabado.
Bagamat sugatan, ipinagpatuloy ni Matanog ang pagmamaneho ng sasakyan, ngunit hinabol sila ng mga suspek habang nagpapaputok pa rin patungo sa kanilang sasakyan.
Hinabol ng mga pulis sa beat patrol ang mga armadong lalaki ngunit binaril din ng mga suspek hanggang sa naganap ang putukan, na ikinasugat ng isang pulis.
Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo.
Isinugod sa pinakamalapit na ospital ang mga sugatang biktima, kung saan idineklarang dead on arrival ang SK chair.
Narekober ng mga operatiba ng Scene of the Crime sa crime scene ang 94 na basyo ng bala mula sa mga baril na ginamit ng mga suspek at ng mga rumespondeng pulis.
Kinondena ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao ang pamamaril at nag-alok ng P500,000 pabuya para sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Kinondena naman ng Bangsamoro Youth Commission, kung saan miyembro si Matanog, ang pagpatay kay Matanog.
