BACOLOD CITY — Sugatan sa ilalim ng mata ang isang 43-anyos na Police Master Sergeant matapos umanong suntukin sa mukha ng isang 16-anyos na Grade 11 student sa labas ng isang paaralan sa Barangay Granada nitong Linggo.
Nasa kustodiya na ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang menor de edad matapos itong isuko ng sarili nitong ina.
Batay sa imbestigasyon, sinaway ng pulis ang grupo ng mga kabataang naglalaro ng skateboard sa gitna ng kalsada.
Sa halip na sumunod, biglang lumapit umano ang 16-anyos na binatilyo sa pulis at mabilis itong sinuntok sa mukha.
Nagtamo ang biktima ng malaking sugat sa ilalim ng kanyang mata dahil sa suntok.
Napahinto lamang ang pananakit matapos mamagitan ang ilang residente na nakasaksi sa insidente at umawat sa binatilyo.
