INIUTOS ng Office of the Ombudsman ang preventive suspension nang walang sahod sa loob ng hanggang anim na buwan laban sa isang Chairman ng Barangay at kanyang treasurer dahil umano sa mga ghost projects.
Sa limang-pahinang desisyon, sinabi ng Ombudsman na malakas ang ebidensiya laban sa dalawang opisyal na sina Ronald Noga Tagle, Punong Barangay ng Quirino (Claro 3B) at ang tresurera nito na si Richelle Ann Formanes Santillan.
Ang mga kasong kinakaharap nila ay maaaring magresulta sa pagkakatanggal sa serbisyo, at maaari nilang maapektuhan ang takbo ng administratibong imbestigasyon kung mananatili sila sa kanilang mga puwesto.
Ayon sa Ombudsman , nag-withdraw ng bultong halaga ng pera sina Tagle at Santillan, na syang mga naipong pondo ng Barangay mula 2018 hanggang 2023 para sa mga proyektong hindi naman umiiral o tinatawag na “ghost projects.”
Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ng Field Investigation Office ng Ombudsman kaugnay ng umano’y iregularidad sa pananalapi at mga gastusing walang sapat na dokumento na natuklasan ng Commission on Audit (COA).
Batay sa audit ng COA Quezon City Field Office sa barangay mula 2017 hanggang 2023, nakapagtala ito ng maraming Audit Observation Memoranda (AOMs) at Notices of Disallowance (NDs) mula 2017 hanggang 2020.
Kabilang sa mga natuklasan ang hindi pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento, gayundin ang mga iregularidad sa paggamit, pagtatala at pagproseso ng pondo ng barangay.
Nasa P1,412,714.10 halaga naman ng mga transaksiyon sa procurement noong 2017 at 2018 ang walang kumpletong dokumentasyon.
Samantala, natukoy rin ang mga gastusing walang sapat na dokumento na nagkakahalaga ng P15,938,064.37 noong 2020; P23,999,924.57 noong 2021; P17,640,624.39 noong 2022; at P17,881,634.43 noong 2023.
Nasa kautusan din na pinahintulutan umano nina Tagle at Santillan ang pagpapalabas ng P22,713,363.12 mula sa pondo ng bayan nang walang kinakailangang disbursement vouchers, dahilan upang maglabas ng mga notice of disallowance ang COA.
Matapos ang apela, inalis ang disallowance sa halagang P431,813.14, ngunit nanatiling hindi nareresolba ang P22,281,549.98.
Binigyang-diin din ng Ombudsman ang umano’y kabiguan ng dalawang opisyal na magsumite ng mga kinakailangang accounting records sa kabila ng paulit-ulit na direktiba ng COA at mga negatibong resulta ng audit.
