MAGKAKAROON na ng libreng laboratory tests para sa lahat ng Lagunense simula Enero upang mas mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan ng lalalwigan.
Sinabi ni Laguna Governor Sol Aragones, nitong Nobyembre 27 sa kanyang pahayag sa Facebook Live na nais niyang palawakin ang ang pagkuha ng preventive diagnostics lalo na yung mga nakatira sa malalayong lugar at hirap sa gastusin.
Bagama’t limitado ang pondo, malaki ang magiging tulong nito sa mas inklusibong pangangalaga sa kalusugan ng buong Laguna.
“Ang good news po para sa ating mga kababayan ng lalawigan ng Laguna: simula sa Enero magkakaroon po tayo ng libreng lab test,” ani Governor Aragones. Bago ihayag ang programa, tiniyak niyang sinuri at kinumpirma ng mga doktor ng probinsya ang lahat ng detalye. Kabilang sa mga libreng pagsusuri ang Fasting Blood Sugar, Lipid Profile, Serum Creatinine, Uric Acid, SGPT/ALT, Electrolytes (Sodium at Potassium), Complete Blood Count (CBC), at Urinalysis , ayon kay Aragones.
Upang maging malinaw ang proseso, maglalabas ang pamahalaang panlalawigan ng step-by-step na gabay sa Facebook. Ilalagay dito ang paraan ng pagpunta sa testing at ang listahan ng mga partner hospitals sa bawat distrito na tutulong sa pagpapatupad ng programa. Pinili ang mga ospital na malapit sa mga komunidad upang makatipid sa biyahe at maging mas magaan ang pagpunta ng mga tao para magpa-laboratory exam.
Sa pagpapatuloy ng ganitong mga hakbang, ipinapakita ng pamahalaang panlalawigan ang pangako nitong gawing mas malusog, mas abot kamay, at mas patas ang kalusugan para sa bawat Lagunense. Ang paglulunsad ng libreng laboratory tests ay malinaw na halimbawa ng GOByernong may SOLusyon isang pamahalaang nakatuon sa makabuluhan, maagap, at tunay na programang nakaugat sa pangangailangan ng kanyang mga kababayan.
